Marso 19, 2021

Ang Saranggola

Ang Saranggola

Sintatag ng saranggolang gawa sa kawayan ang mga pangarap ni Anselmo para sa kanyang ka-tribong T’boli. Malayo sa masusukal na damo at mababangis na hayop ang kanilang pamayanan. Sa mura nitong edad, nagbabanat na ito ng buto upang makapagtroso ng kawayan para sa pinapangarap nitong eskuwelahan. Mithiin niyang matuto ang mga batang T’boli ng kanilang wika sapagkat marami nang nababalitaan na ang kanyang katribo ay nalilinlang ng mga dayuhan.

Karamihan sa kanilang pamayanan ay tanging pangingisda at pagkakaingin ang hanapbuhay at araw-araw nila itong ginagawa. Isang paraiso na kung ituring ni Anselmo ang islang Hetengow kahit na sulo lang ang nagbibigay liwanag sa kanila. Kinaumagahan, kasama ni Anselmo ang kanyang kalaro. Namamayagpag sa taas ang mga makukulay na saranggola hango sa kanilang disenyo. Banayad ang hangin, lumulutang ang bawat pangarap sa himpapawid at hindi lilihis hanggang sa…

Ang mga saranggola ay lumihis ng direksyon. Napugtol ang mga pisi. Bumagsak ang makukulay na saranggola. Nagdilim ang kalangitan at lumakas ang banayad na hangin. Kasabay nito ang pagbagsak ng mga pangarap ng tribong T’boli.

Labis naghinagpis ang mga matatandang T’boli sa kanilang nakitang dumudugong sibat at dahon ng saging. “Kami ang mga pumapatay ng dayuhan”. Nagtataka ang mga matatanda. Gayunman, nagiging matatag pa rin ang mga makukulay na saranggola ni Anselmo para sa kaniyang  tribo.