Nobyembre 06, 2020

"QuaranTHINK ng mga paraan ngayong PANDEMIC"

 Magandang Araw sa inyo!

    Ako si Joel Soliveres, kasalukuyang nag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines Manila. Gusto kong magbahagi ng aking mga karanasan at ginagawa ngayong umiiral ang quarantine.

    Marami sa atin ang nabigla, nalungkot, at nabalisa dahil sa paglaganap ng COVID-19 sa ating bansa. Ang lahat ng mga aktibidad sa ating paaralan, opisina at tanggapan - pampribado man o pampubliko ay agad na inabisaduhan na limitahan hanggang sa ipagpaliban muna ang mga ito para na rin sa kaligtasan ng lahat. Kung kaya't lahat ng tao ay nanatili sa kani-kanilang mga tirahan.

    Upang maging produktibo ako, marami akong sinubukang gawin sa buhay. Hindi ko sinayang ang bawat minuto, oras, at araw na walang ginagawa. May mga natuklasan akong bagong gawain na higit na makakatulong sa akin at iba pa. Kaya naman narito ang aking mga ginawa/ginagawa ngayong umiiral ang COVID-19 pandemic.
---------------------------------------------------------------------------------
  • Paglalaro ng mga Online at Offline games
    Noong Senior High School pa lang ako, mahilig na akong maglaro ng mga mobile games at kung minsan ay computer games. Unang ipinakilala ng mga kaibigan ko ang computer games na Rules of Survival (ROS) at League of Legends (LOL).  Naalala ko noon na pagkatapos ng klase namin sa Condotel ay pupunta agad kami sa computer shop para maglaro. Minsan, tumatagal kami ng ilang mga oras sa paglalaro. Ginagawa namin ito pampawala ng stress sa walong oras na pag-aaral. Kalaunan, hindi rin nagtagal ang aking pagkahumaling sa paglalaro ng ROS at LOL dahil nagkahiwalay-hiwalay na kami ng aming tinatahak na landas. (special mention: Joris (CPSPA), Daryl (COC) at Mems (COC)
    Tulad ng ROS at LOL, natuto na rin akong maglaro ng Mobile Legends, Minecraft, at Among us. Ang mga ito ay halimbawa ng mobile games.  Ang Mobile Legends ay isang mobile multiplayer online battle arena. Ibig sabihin, isa itong strategy games na kung saan ang bawat manlalaro ay may kanya-kanyang hero na makatutulong sa pag-angat ng kabuoang team. Ito ay dinebelop ng kompanyang Moonton, isang Chinese Game Developer sa Shanghai, China noong 2016. May anim na hero roles sa ML - tank, marksman, mage, fighter, assassin, at support. Mas sanay akong gamitin ang mga hero na sina: Nana (mage at support), Cecilion (mage), at Karrie (marksman).  Nauuso din ngayon ang larong Among Us lalong-lalo na sa mga bata. Ang larong ito ay multiplayer na tungkol sa pagtutulungan at pagkakanulo (betrayal). Ang tagpuan ng larong ito ay sa spaceship. Ang bawat manlalaro  na crewmates ay kinakailangang tapusin ang kanilang mga task at maging maingat sa tinatawag na "alien impostor" . Masaya ang larong dahil nakikita sa mga kalaro mo kung sino sa kanila ang nagsasabi ng totoo. 
Isa na siguro sa larong hindi ko kayang i-uninstall sa aking cellphone ay ang larong Minecraft. Ang Minecraft ay isang sandbox video game na pinalago ng Mojang Studios. Pinapalawak ng larong ito ang creativity ng bawat manlalaro at survival strategies gamit lamang ang iba't ibang uri at kulay ng mga building blocks. Kinagigiliwan ito hindi lamang ng mga bata maging ang mga matatanda rin. Multiplayer din ang larong ito dahil maaari kang magsama ng iyong mga kaibigan na nasa iisang wifi connectivity at magtulungan sa pagbuo ng minimithing buildings, at iba pa. May iba't ibang game edition din ang larong ito tulad ng MCPE Edition, Bedrock Edition, Java Edition, at Education Edition. May bayad nga lang ang mga ito depende sa kung anong game edition gusto mong laruin. 
    Noong 2017, nang simulan kong buuin ang PUP Main Building kasama ang aking mga kaibigan.  Bago simulan ang pagbuo ng PUP Main Building, nagvisualize muna ako. Nag-ikot-ikot sa bawat paligid ng PUP Main, tinandaan ang bawat kulay ng mga gusali, at mga internal na disenyo. Napakahirap buuin ang dome sapagkat kailangan makuha nang tama ang hugis nito. Napaka-challenging nito dahil blocks ang Minecraft pero kailangan bumuo ng bilog. Sa kasamaang palad, hindi ko natapos at nabuo dahil masyadong mabigat sa internal storage ng cellphone ang maraming blocks.             
      Ang larawang nasa gilid ay aking binuo at pinilit na gawing kahawig ng White House sa PUP na ngayon ay isa ng Souvenir Shop. Isinama ko na rin ang mga malalagong punongkahoy, ang pedestrian lanes na tawiran ng mga PUPians, at ang standee ng akronim ng PUP.  Nasa likod naman matatagpuan ang field na tagpuan para sa pag-eensayo at gawaing pampalakasan.
Ito naman ang entrada ng PUP Main Campus. Sinubukan kong ilapat ang aking mga imahinasyon. Mapapansin din na inilagay ko ang tatlong matatayog na makikinis na bato (sa tunay na dibuho) dito sa Minecraft. Ito ang tinatawag naming "Pylon" na sumisimbolo sa katotohanan (truth), kahusayan (excellence), at karunungan (wisdom). Ang tatlong ito ay tunay namang likas na taglay ng lahat ng bumubuo sa komunidad ng Sintang Paaralan! 
Bukod pa rito, bumubuo rin ako ng mga bahay sa MCPE. Ang lahat ng naiisip kong disenyo ay 
agad kong ginagawa. Ito ang huling binuo ko sa Minecraft. Isang simpleng bahay na mayroong 2 palapag. May swimming pool at terrace. Pinaghalong kulay puti at itim naman nais kong makitang kulay sa labas ng bahay.  Maraming halaman sa bakuran at ilaw. Maaliwalas sa aking paningin kapag kaunti lamang ang mga  kagamitan na aking nakikita. 
Tumatagal lamang ang pagbuo ko nito ng isang linggo. Tuloy-tuloy kong ginawa hanggang sa matapos ko kaagad.
"Iba talaga ang nagagawa kapag may nakaset kang goals at motivation". Nang matapos, natuwa naman ako dahil mayroon na akong naiisip na disenyo ng bahay na balang araw hindi ko na sa Minecraft ilalagay kundi sa totoong buhay na. 🚩🚧 🚦.

WARNING! REALIZATION TIME πŸ’“
    Sa paglalaro ko ng mga online at offline games tulad ng Mobile Legends, Among Us, at Minecraft ngayong pandemic maraming akong mga natuklasan na positibo at negatibo.
✅ Mga POSITIBO sa paglalaro ng mga online at offline games.
  • Nakakawala ng stress, anxiety, at pagkabagot
  • Napapahusay nito ang strategy skills at techniques
  • Nagkakaroon ng mga bagong kaibigan dahil sa iisang layunin ng paglalaro
  • Pinapaigting din nito ang kakayahang makipag-ugnayan sa isa't isa kahit boses lang ang naririnig
  • Teamwork at Collaboration
❎ Mga negatibo sa paglalaro ng mga online at offline games
  • Napapabayaan ang ibang gampanin sa bahay dahil may minimithi kang ranggo sa laro
  • Masakit sa mata
  • Nawawalan ng motibasyon kapag natatalo
  • Konsumo sa kuryente
---------------------------------------------------------------------------------
  • Aktibong nakikilahok sa mga Online Webinars 
    Noong Marso, agad na nahinto ang aming pag-aaral. Maraming mga nakalinyang aktibidad ay hindi na natuloy pa. Kaya naman, pinalawak ang gamit ng teknolohiya na popular naman sa ating lahat. Sa pamamagitan nito, naging online na ang transaksyon sa lahat. Dahil ang lahat ng tao ay nasa kani-kanilang mga tahanan at opisina, nakaisip sila ng iba't ibang paraan para tuloy-tuloy pa rin ang pagkatuto ng lahat. Nagsilabasan ang mga webinars - isang live educational presentation na kung saan ang lahat ng mga kalahok ay malayang magtanong, makibahagi, at magkomento. Nagaganap ito sa iba't ibang social media platform at  application tulad ng Facebook, Google Meet, Zoom, YouTube, at Discord. Mula sa iba't ibang organisasyon, samahan, at kapisanan ang nangunguna sa mga gawaing-ito. May mga libreng webinars na inaalok sa nakararami. Ayon sa kanila ginagawa nila ito upang ang lahat ay makadalo at accessible dahil mahirap kumita sa panahong umiiral ang quarantine. May iilan namang seminars na may bayad. Ito ay may kaukulang haba ng araw at limitado lamang ang nakakadalo.
    Hindi ko hinayaang mabagot at walang gawin ang aking sarili sa bahay. Kaya naman, sinubukan kong sumali sa ganitong mga palihan ng kaalaman habang ako ay nakahiga at nagpapahinga sa aking bahay. Buwan ng Marso nang magsimula akong sumali sa mga webinars. Nakakapanibago ang set-up  dahil kadalasan face-to-face pero ngayon virtual ang naging pamamaraan. Nakakila rin ako ng mga propesyunal mula sa iba't ibang organisasyon. Kalimitan ang aking mga sinasalihang webinars ay may kaugnayan sa aking kurso at pampropesyunal na pagpapa-unlad. Kaya naman, nais kong ibahagi sa inyo ang aking mga nasalihang webinars:
  • PANAYAMAN 2020: E-SEMINAR SA INTELEKTUWALISASYON NG WIKANG FILIPINO - ito ay libreng e-seminar na handog ng PSLLF o Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino Ink. na pinamumunuan ni Dr. David Michael M. San Juan. Ang lekturang ito ay pumapatungkol sa mga datos at pagsusuri sa COVID-19, at  intelektuwalisasyon ng wika sa ibat't ibang larang tulad ng kalusugan, ekonomiks, teknolohiya, edukasyon, agham, kasaysayan, social media at musika, Nagsimula ito noong Mayo 5 hanggang Hunyo 10.
  • TANGGOL WIKA SERYE NG E-LEKTURA 2020 - Ang proyektong ito ay tugon ng Tanggol Wika sa pangangailangan na magprodyus ng mga materyal na panturo at para sa edukasyong pangmadla rin. Tampok dito ang mga lekturang kaugnay ng wika, panitikan, kultura, at lipunan. Pokus ng mga lektura mula sa mga kaTanggol Wika sa iba’t ibang unibersidad, ang mabilis at malinaw na makapagbahagi ng impormasyon habang pinapalalalim at pinapalawak din ang kamalayang panlipunan ng mga manonood/partisipant sa e-lektura, sa panahon ng COVID-19 pandemic na hindi pa pinapayagang muli ang pagsasagawa ng mga aktwal na forum, seminar, atbp (Tanggol Wika, 2020)
  • UP COLLEGE OF EDUCATION Education Resilience and Learning Continuity in the Time of COVID-19 ERLCP presents the relevant general context of the Philippine vis-a-vis essential education and technology factors that should be considered during the pandemic. This is followed by discussions on remote learning, the varying needs of provinces across the country and the need for data on teachers’ familiarity and confidence in implementing flexible learning options. Finally, eight key strategies for education resilience and learning continuity are presented (mula sa UPCED White Paper ERLCP).
  • PUP COLLEGE OF EDUCATION EDTALK Preparing Teachers in the New Normal of Education - ang apat na magkakaibang webinars na ito ay hatid ng BEST Society. Naglalaman ito ng  iba't ibang paksa tulad ng Teaching Profession in the Time of Pandemic, Mastering the Use of Emerging Online Platforms in Remote Learning, Facilitating and Assessing Modular Instructional Materials in Remote Teaching at Teacher's Intervention on Learners' Mental Health in the Time of Pandemic.
  • PUP SENTRO SA PAGSASALIN SERYE NG PAGLINANG SA PAGSASALIN - pumapatungkol ito sa mga konseptong may kinalaman sa larang ng pagsasalin. Nagbahagi rin sila Dr. Fajilan (UST), Prop. Narvaez (UP Diliman) at Prop. Torralba (KWF) ng ilang mga metodo at tunguhin ng pagsasalin sa Pilipinas. Kasama na rin sa seryeng ito ang mga propesor mula sa PUP at iba pa, 
  • at mga webinars ng VIBAL GROUP - na tumatalakay sa iba't ibang lektura tulad sa edukasyon, Wikang Filipino, mental health awareness, teknolohiya, panitikan at iba pa.
    Minsan, sa sunod-sunod na mga naregistered kong webinars ay hindi ko na ito mapanood. Kaya naman sa oras na dumating ang aking mga sertipiko ng pakikilahok ay muli kong binabalikan ang mga nakaraang videos. Tunay ngang walang pinipili kapaligiran ang pagkatuto. Kahit saan, kahit kailan. Lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng mga organisasyon na walang sawang nagbibigay ng mga kaalaman sa maraming tao. Mahalaga para sa akin ang kaalaman kaysa sa mga external na halaga. πŸ’‘πŸ’ŽπŸ’»

WARNING! REALIZATION TIME πŸ’“
    Sa pakikilahok ko sa mga ganitong webinars marami akong mga natutuhan sa aking sarili. Nadagdagan ang aking mga kaalaman sa iba't ibang larangan. May mga nakilala akong mga professionals. Ang tamang asal pagdating sa birtuwal na pakikipag-usap. Ang aking pinalayunin talaga kung bakit ako lumalahok sa mga webinars ay upang madagdagan pa ang aking kaalaman sa simpleng pamamaraan at hindi komplikado.

---------------------------------------------------------------------------------
  • Pagtanggap sa mga hamon hatid ng Online Trainings, Workshop, at Activities 
    Hindi tulad ng mga webinars, mas intense at may thrill ang mga nilalahukan kong online trainings, workshops at activities. Nakaka-intense ang huli kong sinalihang online lesson tungkol sa Baybayin. Habang ako ay nagfa-facebook, may nakita akong isang post na magkakaroon ng Pilot Run sa Baybayin 101. Naging interesado ako dahil gusto kong matutuhan ang pagsusulat ng Baybayin at malaman ang mga kasaysayan nito. Kaya naman, hindi ako nag-atubiling hindi sumali. Hulyo 6, ang simula ng klase namin sa Baybayin. Nakaramdam ako ng matinding kaba dahil ang karamihan na kasama ko sa lekturang ito ay mga guro mula sa iba't ibang panig ng mundo May mga guro sa elementarya, sekundarya, kolehiyo at maging ang mga mataas na ranggo na ay nakilahok din. Ngunit, hindi ako nagpatinag at nagpatuloy pa rin ako.
    Si Sir Allan T. Camba na dalubhasa sa larangan ng Antropolohiya ay mula sa Harvard University ang aming naging guro. Binubuo ng 12 klase na sunod-sunod ang kabuoan ng programa. Tumatagal ang bawat sesyon ng 1 hanggang 3 oras ang araw-araw naming pagkikita. Ang maganda pa rito ay mayroon kaming maikling assessment na 100% ang score. Kapag 70% naman ang naging score, kailangan mag-remedial. 
Narito ang mga paksa na aming tinalakay noong Hulyo 6-23, 2020.
> KBL01 - Introduction to the Baybayin Course
> KBL02 - History and Theories of Baybayin
> KBL03 - Characters and Development (Workshop)
> KBL04 - Archeological Evidences of Baybayin
> KBL05 - The Use of Baybayin Then
> KBL06 - Colonialism and the Baybayin 
> KBL07 - The Alibata
> KBL08 - The Dilemma on Cultural Identity
> KBL09 - The Importance of Cultural Identity
> KBL10 - The Use of Baybayin Today
> KBL11 - Efforts of Revitalization
> KBL12 - The Scars of the Past
    Nalaman ko ang kasaysayan ng ating sinaunang panulat at proseso ng pagsulat nito. Tumatak din sa akin ang mensahe na unti-unti nang nakakalimutan ng kabataan ito bunsod na rin ng mga umiiral na impluwensya mula sa ibang bansa. Nakakalungkot isipin na ang mga kabataan ngayon ay marunong magsulat ng ibang script samantalang hirap naman sa atin. Nagbigay hamon ito sa aking bilang magiging Guro sa Filipino na kailangan lubusang tanggapin at tangkilikin ng aking mga mag-aaral ang ating kultura. Tanda ito ng ating pagkakakilanlan. Simbolo ng pagka-Pilipino.
Matapos ng aming 3 linggong online lecture, nagkaroon kami ng simpleng virtual gradution at binigyan din kami ni Sir. Allan ng Alum ID Card patunay na natapos namin ang buong serye. Sumali din ako sa Baybayin version 2. Natuwa lang ako kasi kaya palang makipagsabayan ang isang estudyante sa mga professionals na pagdating sa pangangalap ng kaalaman. Nalaman ko ang iba'ibang batas na nagsusulong upang pangalagaan at paigtingin ang paggamit at pagkilala sa baybayin tulad ng  Senate Bill 433 "National Writing System Act" ni Sen. Legarda. Nakilala rin namin si Sir. Jay Enage, ang founder ng BaybayinBuhayin. Ipinamalas niya sa amin ang marubdob na pagmamahal niya sa ating kultura lalong-lalo na sa ating sistema ng panulat.  Kailangan sa sistema ng edukasyon ay kabilang sa pag-aaral ang mga sinaunang panulat ng mga Pilipino. Lumikha din siya ng mga webinars sa Facebook noong Buwan ng Wika at Buwan ng Kasaysayan. Sa pamamagitan nito, nagningas ang aking pagiging Pilipino.
    Kamakailan lang, nagkaroon ng isang aktibidad ang BEST Society. #LETsGOLPT sa isang linggo may tatlong tanong at kailangan piliin ang tamang sagot. Namangha din ako sa gawaing ito dahil nakakapag-review na rin ako para sa darating na LET. Paunahan makasagot nang tama. Araw-araw akong nakikilahok dito upang matandaan ko ang mga tanong sa LET. 
Noong nakaraang buwan naman, nagkaroon ng pa-giveway ang PressStart Studio. Ginawa nilang libre ang kanilang serbisyo. 1000 pesos sana ang bayad ng 3day(9hrs) training na ito Mapalad naman akong nakasama doon. Kaya naman, tinaggap ko ito. Pinili ko ang Creative Writing and Self-Publishing Workshop. Ito ay tatlong araw na technical training sa malikhaing pagsusulat at sariling pagpapalimbag. Sa isang araw, tatlong oras ang sesyon. Kasama ko ang tatlong lumahok na matagal nang nagsusulat samantalang ako ay baguhan o hilaw pa lamang. Ngunit, nagpatuloy pa rin ako. Nakinig sa mga konsepto, ideya, at karanasan ng bawat isa. Malaya rin akong nakapagbigay ng ilang mga gawa ko kahit na hindi pa ito gaanong kaganda. Nagkukuwentuhan at kaunting kasiyahan ang naging atmospera ng birtuwal na talakayan. Hinikaya din ako na sumulat nang sumulat upang maging sanay ang aking kakayahan. Tinuruan din ako ng ilang proseso kung paano magself-publishing, magdisenyo ng libro, mga nilalaman ng libro at iba pa. Dahil dito, nagkaroon na agad ako ng mga paunang kaalaman sa pagsusulat. Matagal-tagal pa ang aking lalakbayin sa pagpapalimbag ng magiging libro ko.
Panghuli, ay yung Career X Exploration Sprint. Isa itong self-paced learning kung saan araw-araw may gawain na tungkol sa pagiging Guro. October 5 nagsimula ito. May mga kasama rin akong mga guro tulad nina Coach Christine at Coach Yhen. Masaya ako dahil nagbabahagi sila ng kanilang mga karanasan sa pagiging guro. Nagkaroon din kami ng video call para mag-usap at magkwentuhan. Nagbigay din sila ng ilang mga tips kung papaano makakapasa sa LET. Bawat araw, may sinasagutan akong end activity (maikling assessment). Ang mga gawaing ito ay napapagsabay ko habang umiiral
ang aming online classes. Wala akong sinayang na oras. Nakakapagod pero sulit naman dahil may mga natutuhan ako. Marami pa akong nilahukan na mga pagsasanay tulad ng maikling kurso sa pagsasalin. Ilan lamang ito sa mga pagsasanay na aking ginawa ngayong quarantine. Ang mga ito ay nakapagbibigay sa akin ng tibay ng loob dahil matiyaga kong tinapos ang lahat ng ito. Hinhikayat ko rin ang aking mga kaibigan na makilahok sa ganitong mga gawain upang magkaroon din sila ng mga kaalaman mula sa iba't ibang tao. Ika nga nila, ang bawat oras ay mahalaga, gawing kapaki-pakinabangan ito. πŸ’ͺπŸ†πŸ“Š

WARNING! REALIZATION TIME πŸ’“
    Napagtanto ko lang na hindi nasasayang ang anumang pagod basta sa kapakanan ng sariling pagpapalago. Huwag aksayahin ang bawat dumadating na pagkakataon dahil kapag lumipas ang mga ito, mahirap nang hanapin pa. Kaya naman, lubusin ang mga ito.

---------------------------------------------------------------------------------
  • Stress-Free sa Facebook pri!
    Facebook, ang naging lunsaran ng tao sa iba't ibang kalokohan at katatawanan. I-unfriend mo nalang yung tropa mong panay memes at challenges ang timeline. Badtrip! sabi ng iba na walang chill at saya sa buhay. Sorry nalang dahil bagot kami dulot ng quarantine. HAHAHHAA
    Pero kumasa ka rin ba sa mga facebook challenges na umiiral magpasahanggang ngayon? Aminin! πŸ˜‚πŸ˜‚πŸ˜‚. 


WARNING! REALIZATION TIME πŸ’“
    Okay lang naman kumasa sa mga challenges na ito. Nagbibigay rin kasi ng kasiyahan at aliw ito sa atin habang nagfa-facebook ngunit kailangan lang natin maging responsable sa pagbabahaging ito para wala tayong makasakit ng damdamin. Baka ang kasiyahan mo ay kalungkutan ng iba.

---------------------------------------------------------------------------------
  • Sumali sa raffle para manalo!
    Sa tuwing may nakikita akong pa-giveaway at online raffle sa internet hindi ko ito pinapalagpas. Kahit ano, giveaway ng kape, pagsagot sa mga online quiz, paghula ng kung ano-ano. Malaki man o maliit na bagay ay hindi ko ito tinatanggihan. Kaya naman, narito yung mga napanalunan ko ngayong taon. Opsss! walang balato dahil ubos ko na ito.
πŸŽ‡ 1000 worth of Mega Prime Products mula sa Tangere 
πŸŽ‡ 200 pesos load mula sa EMB
πŸŽ‡ 50 pesos load mula sa Kape Bliss
πŸŽ‡ Souvenir items mula sa QC Tourism and Promotions



WARNING! REALIZATION TIME πŸ’“
    Sa totoong buhay, hindi laging raffle ang magdidikta sa ating kapalaran. Hindi lahat ng bagay madaling makuha iba ito sa Pancit Canton na instant. Kailangan pagsumikapan, maging matiyaga at maparaan sa lahat ng oras. Kapana-panabik ang tagpo kung ang paghihirap mo ay masusuklian ng tagumpay na bunga ng iyong lakas at tibay ng loob. Natural lang sa  buhay na sumali sa mga ganito dahil isa lamang itong halimbawa ng libangan. Pero hindi nakasalalay sa pula o puti ang tadhana at direksyon ng ating buhay.

--------------------------------------------------------------------------------
  • Chef kuno? Pritong Hotdog at Itlog ang specialty char :)
    Ngayong nasa bahay lang ako, inaako ko na ang pagluluto (para iwas palo char haha). Kahit ano kaya kong lutuin basta kompleto ang mga rekados sa refrigerator. Minsan naman, kapag tinamaan ng sobrang kasipagan ako pa mismo ang bibili ng mga sangkap sa palengke. Namamalengke na, nagluluto pa? San ka pa? HAHAHA. Sa tuwing nagluluto ako, experimentation lahat. Ibig sabihin, walang measurement, walang tutorials, at walang tikim-tikim. Kumbaga, nagluluto ako na paraang lagay-lagay lang. Pero, wag ismolin. Masarap naman "daw" sabi ng tatay kong Chef talaga. Nagtatrabaho lang naman siya sa isang sikat na KTV Bar sa kahabaan ng uezon Avenue bilang Chef. Siguro malapit sa FisherMall doon. Narito ang piling larawan ng aking niluto. 🍳🍚🍲
SPECIALTY NO. 1 KINILAW NA TUNA
Sa tuwing ako ay bumibili ng tuna, ito agad ang ginagawa ko. Hindi lang siya bilang pampulutan kasama ng RedHorse o Emeperador Lights, ginagawa rin namin pang-ulam. Tinadtad sa hugis cube ang isda, binabad sa suka na may dinikdik na luya, kamatis, sili, at sibuyas.  Pagkatapos, inilalagay ko muna ito sa ref upang lumamig.


SPECIALTY NO. 2 ENSALADANG AMPALAYA
Ito ang pinakayaw kong gulay sa lahat. Sa taglay nitong pait ay umaayaw na ang aking dila. Bunga ng malikot na kamay at isipan, pinagdiskitahan ko ang natutulog na ampalaya sa ref. Kinuha at hiniwa nang pahaba. May pagkahawig sa Kinilaw pero puro gulay ang sahog. Sinangkapan ko ng kamatis, sibuyas, paminta at kaunting suka. Hinalo-halo hanggang sa kumatas ang gulay. Saglit na itinabi sa ref upang lumamig. Kalaunan, hindi ko rin kinain HAHAHAHA, napakapait. Ano kayang meron sa ampalaya kung bakit mapait ito? Itanong mo kay Kuya Kim... biro lang :)

WARNING! REALIZATION TIME πŸ’“
    Hindi masama ang kumain nang kumain. Hangga't balanse ang pagkain na iyong kinakain at tinitiyak mong malinis at masustansya ang mga ito. Magiging malusog ka! Masarap ang isang pagkain kung ikaw mismo ang magluluto nito. Isa itong trial and error na proseso. Simula sa experimentation hanggang sa makuha mo na ang saktong lasa, kaginhawaan na iyon sa pakiramdam na nakapagluto ka nang masarap na putahe.

--------------------------------------------------------------------------------
  • Ang Gampanin ng YouTube sa aking isipan
    Kapag ako ay may ginagawang activity sa school, sinasabayan ko ito sa pamamagitan nang pakikinig sa mga kanta ng The Carpenters at iba pang classic hit songs. Iba ang naidudulot ng mga kantang ito sa akin. Tulad nang napapanatag nito ang damdamin ko, stress at lungkot. Napaka-soft ng boses ni Karen sa tuwing siya ay umaawit. Ang pinakapaborito kong kanta nila ay Yesterday Once More at Love me for what I am. Kapag OPM naman, ang pinakagusto kong pakinggan ay yung mga kanta ng ASIN at mga likhang-awit ni Gary Granada. Ang mga kantang ito ay punong-puno ng mga mensahe tungkol sa buhay, sistema ng lipunan, isyung panlipunan at iba pa. Tunog makaluma para sa iilan pero ang mga kantang ito ay may gintong taglay. Walang sinabi ang mga kontemporeanong kanta sa mga kantang ito.
Minsan, napag-isip-isip ako kung bakit nga ba ako nagkaroon ng interes sa ganitong uri ng mga kanta? Ang alam ko lang ay noong bata palang ako, ang mga ganitong klase ng kanta ang araw-araw pinapatugtog sa bahay. Walang araw ng linggo sa dating bahay namin. Mapakapit-bahay ay tinatangkilik ang mga kantang ito. Para sa akin, luma man ang mga ito, bago pa rin ito. Ang musika ang nakapgbibigay sa atin ng iba't ibang emosyon. Isa itong sining na tumatagos hanggang sa damdamin ng mga tao. Ang bawat nota, ritmo, indayog, himig, tekstura ng kanta ang siyang bumabalanse sa isip at puso ng mga tao. ♬🎀

WARNING! REALIZATION TIME πŸ’“

Sabi nga sa linya ng kantang Usok, "Huwag sayangin ang panahon pagka't ito'y may hangganan". Ang buhay ay napakahalaga. Kaya naman, pangalagaan at ingatan ang ating mga sarili. Umiwas sa anumang bisyo na sa tingin mo ay ikapapahamak sa iyong sarili. Tignan ang mga positibong pananaw sa paligid at namnamin ang mga ito.

--------------------------------------------------------------------------------
  • Sa Pagbabasa ang isip mo'y Mahahasa!
    Mahilig ka rin bang magbasa ng libro? o baka sadyang nag-iipon ka lang ng libro?  Biro lang... Tulad ng iilan, mahilig din ako magbasa ng mga libro ngunit hindi pa ako nakakatapos ng isang libro. Ang mga paksa na aking binabasa ay yaong mga akdang may koneksyon sa pag-aaral ng wika, panitikan, kultura at lipunan. Hindi lamang na naiintidihan ko ang wikang ginagamit bagkus ang esensya ng mga akdang ito ay lubos na lalong-lalo na sa aking propesyon. 
Mahilig din ako mangolekta at mag-ipon ng mga libro. Karamihan sa aking iniipong libro ay reference genre. Nagagamit ko ang mga ito sa tuwing ako ay gagawa ng assignment, research, at iba pa. Kapag ako ay may naiipon na pera, bumibili ako ng mga brandnew at second hand na libro sa ilang mga bookstore dito sa amin. Kamakailan lang nadagdagan ng 3 libro ang aking mini library. Tungkol sa Antropolohiya ang isa samantalang ang dalawa naman ay tungkol sa pag-aaral ng wika at lipunan na kapwa kong nabili sa University of the Philippines Press. Nag-sale kasi ang Lazada at malaking porsyento ang ibinababa sa dating presyo nito. Kaya naman, nakagastos ako ng 1000 ngayong quarantine dahil sa mga libro. Sakto naman at nagagamit ko ang mga librong ito lalo na't may kurso kami tungkol sa wika at pananaliksik. Sa tuwing may bakante akong oras, nagbabasa ako nang paunti-paunti. Hindi naman ako hard-reader na bookworm. Isang araw, siguro isang pahina hanggang dalawa. Isang paksa kada araw o kaya naman dalawa. Pangarap ko kasing magkaroon ng maliit na library sa aking magiging bahay. Gusto ko may nakikita akong mga libro sa aking paligid at nagagamit ng aking kasama. Hindi ko isinasantabi ang kahalagahan ng mga libro sa kasalukuyan dahil mahusay pa rin itong batis ng karunungan at kaalaman. Kaalinsabay nang pag-unlad ng teknolohiya, iba pa rin ang mga pisikal na libro. Investment kasi ito sa akin. Kumbaga, ito ang kinahuhumalingan kong bisyo na makakatulong naman sa akin. Malaki man o maliit ang halaga ng mga ito, hangga't nababalanse ko ang aking pinansyal na makakaya ay magbabasa pa rin ako. 

WARNING! REALIZATION TIME πŸ’“
    Laging magbasa araw-araw. Naniniwala ako na sa pamamagitan nang pagbabasa, lalawak ang ating karunungan. Hindi lang dapat basa nang basa, kailangan ding maunawaan ang mensahe ng mga ito. Pagkatapos nito, ay maisapraktika ang mga natutuhan sa totoong buhay. Sa papaanong paraan? sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga saliksik, kuwento at iba pa na maaabot ang buong lipunan.

--------------------------------------------------------------------------------


Sources:
Mga Larawan 
https://www.deviantart.com/b-la-ze/art/Mobile-Legends-transparent-model-Nana-741057047
https://store.steampowered.com/app/945360/Among_Us/
https://instructionaldev.umassd.edu/zoom/
https://psllf.org/2020/05/10/video-lectures-sa-panayaman-2020-e-seminar-sa-intelektuwalisasyon-ng-filipino-ng-psllf50/
Baybayin Chart ay mula sa FB PAGE ng KULTURA 
https://carpenters.amcorner.com/album/ultimate-collection-uk
https://alchetron.com/Asin-(band)


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento